CABAnata
Profile Blog Photos Subscribe Syndicate Search Contact Me  
Topics
A Bookworm's Review
Alay kay Juan dela Cruz
Arozcaldo for the Soul
Bagong CABAnata
Guidance and Counseling
haiku
Kiddie Den
Life's Write Ups and Downs
Mangoes, Bamboos and Poems
Mga Tula ni Gabriela
Pinoy Komikera!
Shelfari
The Poetry Showcase
Tomb Reader
Trashboard
Woman: Salt of the Earth and Light of the World
Yamoj's Excretion
My Photos
friendships in full bloom
preciously captured
Members
Sign In

Entries in "Mga Tula ni Gabriela"
1
Kahilingan
16 Comments / Subscribe To Comments
Published: Aug.14.2007 @ 6:25 pm

Pag-aalay…
   ng pag-ibig
     di sapat
       sa pag-uugnay
   ng dalawang pusong…
     kapwa uhaw.

Pagbibigay…
   ng sarili
     di sapat
       sa pag-uugnay
   ng dalawang pusong…
     kapwa nalulumbay.

Pagsisilbi…
   sa minamahal
     di sapat
       sa pag-uugnay
   ng dalawang pusong…
     kapwa nagdurusa.

Ang tanging daan
   upang kanyang uhaw…
     kanyang lumbay…
       kanilang pagdurusa…
   matighaw…
     maibsan…
       mapagaan…
   ay ang iwaksi
     ang galit…
       ang pag-iimbot…
         ang kasakiman…
   sa puso
     at kaluluwa.

Pagkat ang daang
   nais ipabatid
     ay ang May Likha
   na Siyang nag-uugnay
     nag-aalay…
       nagbibigay…
         nagsisilbi…
   sa mga pusong
     nauuhaw…
       dahil sa kakulangan,
     nalulumbay…
       dahil sa kawalan,
     nagdurusa…
       dahil sa kasamaan…
   ng dalawang pusong
     ang tanging kahilingan
       ay pag-ibig… para
         sa sarili at
           sa minamahal…

Kalembang ng Kampana
14 Comments / Subscribe To Comments
Published: Jul.24.2007 @ 6:27 pm

“Kalembang! Kalembang!”
Hiyaw ng kampana sa simbahan
Humayo na batang batugan
 Huwag humalukipkip sa durungawan
O mangalumbaba tulad ni Amang.

“Kalembang! Kalembang!”
Tawag ng simbahan
Ang ilang mananampalataya ng bayan,
Isinusuot ang pinakamagarang kasuotan
Ang nakararami ay yaong payak lamang.

“Kalembang! Kalembang!”
“Halina!”, yakag ng simbahan
Buhok mo may kasing-itim ng karimlan
O pinaputi ng ng katandaan o karunungan
Ang mahalaga ay ang kalooban.

“Kalembang! Kalembang!”
Kaysaya ng mga nagdaraan
Bata’t matanda nag-uungusan
Upang marating ang simpleng tahanan
Tahanang walang kinikilala at pinupulaan.

“Kalembang! Kalembang!”
Sa bawat mukha mababanaag ay katahimikan
Tinatalikdan ang kapalaluan
Pag-ibig sa puso ay masisilayan
Liwanag ng Poon, alay sa sangsinukuban.

“Kalembang! Kalembang!”
Kayligaya ng bawat nilalang
Pagsamba ay hindi nakakaligtaan
Pagkat hinihingi Niya’y isang araw lang naman
Upang maibalik sa Kanya ang lahat ng kabutihan.

 

Dalawang Oras
4 Comments / Subscribe To Comments
Published: Jun.21.2007 @ 5:41 pm

Dalawang oras
   puno ng mga salita
   daliri ko’y walang humpay
   sa kanyang mabining pagbaybay
   pluma ay inilililok
   sa blangkong pahinang sininop.

Dalawang oras
   puno ng mga emosyon
   walang pakundangan ang pagbuhos
   sa biyayang tula ng unos
   dugo ay inililimbag
   sa dahon ng kuwadernong dilag.

Dalawang oras
   puno ng mga kaisipan
   sa pagdaloy ay walang habas
   sa diwang awit at kumpas
   pawis ay isina-panitikan
   sa linyang itinalaga ng ipinagkakapitagan.

Dalawang oras
   puno ng mga mithiin
   inaasam ng kaluluwang aba
   maiparating sa bawat nilalang Niya
   bigyang katuparan nawa
   ng butihing Poon ng glorya.

Dalawang oras
   tatlong tula ang naisulat
   Ingles man o sa wikang tapat
   iisa lamang ang pangarap na dalita
   … mabigyang buhay ang salita
   … mabigyang kulay ang emosyon
   … mabigyang hininga ang kaisipan
   at ibalik sa pinagkaka-utangang Poon
   ang ipinagkaloob Niyang bendisyon.

Pinagtagpi-tagping A-K-O
9 Comments / Subscribe To Comments
Published: Jun.20.2007 @ 6:33 pm

Ang nalikhang ito ay nagmumula
sa puso’t isipan
ng isang simpleng Pilipina –
nagmamahal sa bayan,
sa kapwa, sa pamilya,
sa kanyang sarili at sa May Likha.

Pinilit mailimbag ang bawat titik
bigyang puso ang bawat kataga
bigyang kahulugan
ang bawat detalye ng buhay
upang mabigyang daan
ang simple ring pangarap
maibahagi ang sarili –
mga pangarap, mga adhikain,
mga kaisipan at mga damdamin.

Hanggang doon lamang.
Kahit hindi sumikat.
Kahit di yumaman sa panulat.

Pagkat ako
simpleng tao
nangangarap, nasasaktan
bumabangon, nakikibaka,
nagmamahal at sumasampalataya.

At sa bawat diin ng aking pluma
bawat pagpilantik ng mga daliri
sa high tech na keyboard
ay pagkabuo ng aking pagkatao.

Ang pinagtagpi-tagping A-K-O.

Tahimik na paglisan
6 Comments / Subscribe To Comments
Published: Jun.20.2007 @ 6:21 pm

Parang awa mo na mahal kong Ina
ang bitak-bitak mong labi’y biglang laya
patuluyin yaring gatas kong tinimpla
upang buhay mo’y madugtungan pa.

Pinakatitigan ko ang mga matang yaon
dati’y puno ng sigla maging sa dapithapon
na animo’y pinagkaitan ng saya ngayon
subalit mababanaag pa rin ang pananampalataya sa Poon.

Ikinulong ko sa aking palad ang malamig niyang kamay
taimtim na panalangin sa Diyos inialay
na kung si Ina di mailaban ang buhay
harinawa sa piling Niya si Ina ay hihimlay.

Niyakap ko ang pagal niya’t impis na katawan
hinabol ang kanyang init na pinagkatandaan
pagmamahal na nadama mula nang ako’y isilang
pag-ibig na umaruga sa aking kamusmusan.

Parang awa mo na aking Inang pinagkaka-utangan
isinasamo kong wag kang sumama kay kamatayan;
ngunit di itinulot ga-daigdig kong kahilingan
kaya liwanag ni Bathala iyo pa ring nasumpungan.

Hangga’t hininga mo Ina unti-unting humina
kamay mong hawak, bumitaw pagdaka
katawan mong yakap, init din a maramdaman
at aking napagtanto… ito na ang tahimik mong paglisan.

Arozcaldo
9 Comments / Subscribe To Comments
Published: May.19.2007 @ 1:41 pm

Ito ang meryenda ko kaninang umaga.
Mainit.
Masarap kung bagong luto.
Mainit.
Maanghang.
Masarap.
Iyan ang arozcaldo.

Masarap sa tag-ulan
sabayan ng umuusok pang kape.
Masarap sa tag-lamig
sabayan pa ng tustadong mamon.
Masarap din sa tag-init.
sabayan ng nagyeyelong coke.
Sahog man nito’y manok, baka 
o simpleng hard boiled egg,
puwede ring kahit walang ibang sahog
gaya ng tinda ni Aling Mae-An.
Basta’t mainit.
Ito’y masarap.
Iyan ang arozcaldo.

Nang una kong isubo’y napaso ako
ngunit nagdalawang-isip kung iluluwa ba ito.
Sa banding huli, ito’y akin pa ring nilunok.
Ninamnam.
Nilasahan ang bawat butil ng malagkit sa aking dila.
At sa bawat pagsubo’y lalong sumasarap.
Di ko tinigilan hangga’t mangkok ko’y wala nang laman.
Mainit.
Masarap.
Maanghang.
Iyan ang arozcaldo.

Gaya rin ng buhay nating mga nilalang.
Mainit.
Masalimuot.
Maraming pagsubok.
Maanghang.
Nagkalat ang mga taong likas na mapanira.
Kapag wala kang pag-iingat,
paparalisahin ka ng mga may makakating dila
at ng mga taong walang ibang hinangad
kundi hilahin ka pababa sa kanilang lunggang
kinalulugmukan.
Kung wala kang determinasyon,
mawawala kang parang bula.

Ngunit gaya ng arozcaldo,
ang buhay ay masrap.
Masaya.
Puno ng mga makukulay na sandali
mga sandaling nais mong balik-balikan
o nais mang kalimutan ay kinapulutan
mo naman ng aral.

Kaya’t huwag iluwa ang buhay.
Namnamin ito hanggang sa huling patak
ng iyong dugo
patak ng iyong luha at pawis.
hanggang sa kahuli-hulihang pintig ng
iyong puso.

Pagkat sa pagka-ubos ng arozcaldo sa
iyong mangkok
ay walang kapantay na sigla sa iyong
katawan.


Current Page 1
1

   
| Report Member | Free Blog BlogText.org